HUMIRIT ng protection order ang environmental group sa Korte Suprema para sa bundok sa Bolitoc, Sta. Cruz, Zambales na pinatag ng isang mining company.
Naghain ng Petition for Writ of Kalikasan ang Agham Partylist.
Sa siyam na pahinang petisyon, partikular na inirereklamo ng Agham Partylist ang DMCI Holdings Incorporated at DMCI Mining Corporation na nagmimina ng metallic ore sa Zambales, gayundin ang DENR, Environment Management Bureau at Philippine Ports Authority o PPA.
Nag-ugat ang petisyon dahil sa pagpatag ng DMCI-HI sa isang bundok sa Brgy Bolitoc sa Sta. Cruz, Zambales na nasa pagitan ng dagat at ng lupaing pag-aaari ng DMCI-HI na ginawa para umano sa pagtatayo ng pantalan para sa mining operation ng kumpanya.
Pero ayon sa Agham Partylist, iligal ang ginawa ng DMCI-HI dahil kahit may permit na inisyu ang PPA para sa pagtatayo nito ng pier at may ipinalabas na Environmental Compliance Certificate ang DENR, hindi naman ito nangangahulugan na pinapayagan ang pagpatag ng bundok at ang pagtatambak ng pinagpatagan ng lupa sa dagat.
Pinangangambahan din na danasin ng mga taga-Zambales ang delubyong naranasan ng mga residente sa Tacloban dahil sa bagyong Yolanda dahil ang pinatag na bundok ng DMCI-HI ay nagsisilbing natural protective barrier ng ilang bayan sa Zambales mula sa malalakas na hampas ng alon ng dagat.
Bunsod nito, hiniling ng Agham Partylist sa Korte Suprema na atasan ang DMCI-HI na ibalik ang orihinal na land formation ng pinatag nitong bundok, ipatigil ang pagputol ng puno at panibagong pagpatag ng bundok sa Brgy. Bolitoc.
Nais din ng mga petitioner na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary protection order para pigilan ang DMCI-HI sa paggamit ng pinatag nitong bundok bilang paghahanda sa pagpapanumbalik ng dati nitong porma.
The post Petition for Writ of Kalikasan ikinasa ng Agham Partylist appeared first on Remate.