MISTULANG naghugas kamay ang kampo ni Makati City Mayor Junjun Binay hinggil sa ulat mula sa isang pahayagan na ipinaaresto ng alkalde ang tatlong security guard ng isang subdibisyon makaraang tumangging paraanin ang convoy ng mga opisyal nitong nakaraang Nobyembre 30.
Nabatid sa tagapagsalita ni Binay na si Joey Salgado, boluntaryong sumama sa mga tauhan ng Makati City Police ang tatlong security guard sa pangunguna ni Virgilio Robang, security officer-in-charge ng Dasmariñas Village.
Batay sa nailathalang ulat, galing ang convoy ng alkalde sa bahay ng kapatid nitong si Senador Nancy Binay at daraan sa Banyan Road gate ngunit hindi sila pinayagan na makadaan ng mga security guard dahil sa ipinatutupad na security policy na ipinagbabawal dumaan ang anomang uri ng sasakyan sa naturang gate pagsapit ng alas-10 ng gabi.
Nakunan din ng CCTV footage ang pagbaba ng sasakyan ni Mayor Binay kung saan ay nilapitan nito ang mga guwardiya at nagsabi ng “Kilala mo ba ako?” nakita rin sa naturang footage na may kausap ang alkalde sa kanyang cellular phone at ilang sandali lamang ay may mga dumating na mga tauhan ng Makati Police na nagbukas ng gate at nagdala sa mga security guard sa presinto.
Ipinaliwanag naman ni Salgado na hindi iniutos ni Binay sa mga pulis na arestuhin ang mga guwardiya at pinasinungalingan din nito na nagsalita siya ng “Kilala mo ba ako?” Sa halip, ang sinabi aniya ng alkalde ay “Si Mayor Binay ako. Baka pwedeng makiraan lang.”
Humingi na rin ng paumanhin ang may-ari ng Right Eight Security, Inc. na si Ram Antonio dahil sa pagkabigo na bigyan ng maayos na security assistance ang alkalde tulad ng ibinibigay sa mga bumibisitang VIP.
“We consider the matter closed. Mr. Antonio has apologized for the lapses in providing security assistance to the mayor, a courtesy extended to all visiting VIPs,” dagdag ni Salgado.
The post Mayor Binay, nagpaliwanag sa ‘pambu-bully’ appeared first on Remate.