TINATAYANG mahigit P.1 milyon halaga ng cash at mga mamahaling cellphone ang natangay ng nag-iisang holdaper mula sa isang kabubukas pa lamang na tindahan ng cellphone matapos tutukan ng patalim at igapos ang nag-iisang empleyado kahapon ng umaga sa SM Mall of Asia sa Pasay City.
Nag-aayos pa lamang ng mga naka-display na cellphone si Joyce Ann Bantayanon, assistant officer-in-charge ng Fone Style cellphone store sa Unit NP200a sa ikalawang palapag ng SM Mall of Asia alas-9:56 ng umaga nang pumasok ang suspek na nagkunwaring customer at nagtanong kung may tindang Samsung S4.
Lingid sa kaalaman ng biktima, habang kinukuha niya ang demo cellphone ay binaligtad na ng suspek ang nakalagay na karatulang “open” sa pintuan upang ang katagang “close” ang makita ng iba pang kustomer na papasok sa establisimyento.
Dito na tinutukan ng patalim ng suspek na nakasuot lamang ng short pants, puting t-shirt at pulang baseball cap si Bantayanon, binugbog nang magtangkang manlaban at iginapos ng packaging tape bago sinamsam ang P50,974.00 na laman ng kaha, dalawang mamahaling cellphone at isang Samsung note na nagkakahalaga ng P37,000.
Sinabi ng biktima sa pulisya na tinangka niyang habulin ang suspek nang magawang makalag ang gapos subalit hindi na niya ito inabutan.
Nagtataka naman si Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay police kung bakit pasado alas-4 na ng hapon ini-report sa Police Community Precinct (PCP) 11 ang pangyayari at hindi ipinabatid ng mga security personnel ng SM sa pulisya ang insidente.
The post Tindahan ng cellphone natangayan ng P.1M appeared first on Remate.