DEDMA lang si Pangulong Benigno Aquino III sa nangangantiyaw sa pagiging “bachelor” niya hanggang ngayon gayong maraming magagandang babae sa bansa.
Sa naging talumpati ni Pangulong Aquino sa paggawad ng DoH Wide ISO 9001: 2008 Certification sa Heroes Hall, Malakanyang ay sinabi ng Pangulong Aquino na okey lang na batikusin siya sa kanyang pagiging single ngayon dahil ang importante aniya sa kanya ay ang patuloy na pagtatrabaho ng pamahalaan para sa muling pagbangon ng mga taong biktima ng bagyong Yolanda.
Sinabi pa ng Punong Ehekutibo na kinikilala niya ang pagkakaloob ng ISO 9001:2008 Certificates sa ilang tanggapan ng Department of Health, kabilang na aniya ang Regional Offices, DOH-Retained Hospitals, at ang Food and Drug Administration (FDA).
Ang mga ito aniya ang mga opisinang nagpakitang-gilas sa paglilingkod-bayan sa ilalim ng isang Quality Management System (QMS) na hindi lamang itinataas ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan, kundi nagpapamalas din aniya ng tuwid at malinis na pamamahala sa sambayanang Filipino.
Samantala, sinabi pa rin ng Punong Ehekutibo na ang pag-angat ng isa aniya ay pag-angat ng lahat.
” Sa loob lamang ng mahigit tatlong taon sa tuwid na daan, nagawa nating ibangon mula sa pagkakadapa ang ating bayan. Ngayong humahakbang na tayo tungo sa kaunlaran, patuloy nawang mag-ambag ang bawat isa upang higit pa itong mapaarangkada. Huwag tayong makuntento sa mga napapagtagumpayan na natin ngayon. Gawin nating permanente ang positibong pagbabagong ito ng Pilipinas para sa mga susunod pang henerasyon,” litaniya nito.
The post PNoy dedma sa nangangantiyaw sa pagiging single appeared first on Remate.