RATIPIKADO na sa Kamara ang 2014 General Appropriations Act (GAA) na nagkakahalaga ng P2.264 trilyon sa pamamagitan ng viva voce o “ayes and nays.”
Dala na rin sa katiyakan ni Speaker Feliciano Belmonte, dumalo ang nasa 253 mambabatas para maipasa ang naturang budget na noon pang nakaraang linggo naratipikahan sa Senado.
Nauna nang inihayag ni Belmonte na hindi magiging problema ang quorum sa sesyon ngayong hapon kung kaya mararatipikahan ang 2014 budget.
Sinabi ni Belmonte na pinagsabihan na niya ang lahat ng kongresista na dumalo sa sesyon sa araw na ito para matapos na ang pinakamahalaga nilang trabaho, ang mapagtibay ang pambansang pondo.
Nang isalang sa plenaryo ang Bicameral Report ay pansamantala itong hinarang ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares.
Nauna nang niratipikahan ng Senado ang P2.264 trilyon na budget noong nakaraang linggo, mas mababa ng P3.2 bilyon sa orihinal na proposal ng Malakanyang.
Sa ilalim nito nakapaloob ang P100 bilyon na rehabilitation at reconstruction fund para sa mga lugar na sinalanta ng mga bagyo, lindol at ng naganap na krisis sa Zamboanga City.
The post 2014 budget approved na sa Kamara appeared first on Remate.