KUMPIYANSA ang Malakanyang sa kakayahan ng Department of Energy (DOE) na maibabalik nito sa Disyembre 24 ang suplay ng kuryente sa mga lugar na winasiwas ng bagyong Yolanda.
Sa katunayan ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda ay sinimulan na ni Energy Secretary Carlos Jericho Petilla ang implementasyon ng kaukulang hakbang para maibalik sa nasabing petsa ang suplay ng kuryente sa Kabisayaan.
Ang DOE, katuwang ang ilang ahensiya ng pamahalaan ay patuloy na tinutugunan ang problema sa energy facilities bilang tugon sa malawak na epekto ng nasabing bagyo.
Si Petilla, kasama ang iba pang opisyal ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at National Electrification Administration, ay ginawa na ang lahat ng paraan upang pabilisin ang mobilization ng rehabilitation efforts sa mga naapektuhang lugar ng bagyong Yolanda kabilang na rito ang technical people, construction materials at equipment at iba pa.
Sa ulat ng NGCP, may kabuuang bilang na 1,959 transmission facilities ang nasira ng bagyong Yolanda kung saan ay kabilang na rito ang backbone transmission lines, steel poles, at isang converter station.
At upang mas mapabilis pa ang pagkukumpuni ay nagtayo ang NGCP ng Emergency Restoration Systems na ang pangunahing layunin ay ang palitan ang transmission lines kasama na rin ang patuloy na rehabilitasyon ng mga nawasak na pasilidad.
The post Kuryente sa mga lugar na nasalanta ng bagyo maibabalik sa Dec. 24 appeared first on Remate.