KAHIT kaunti lamang ang deskripsyon o detalye na magsasalarawan sa gun-wielding motorist na bumaril sa 9-anyos na babaeng estudyante noong Disyembre 6 sa Project 7, Quezon City, umaasa ang pamilya ng biktima na mahuhubaran din ng maskara ang salarin sa lalong madaling panahon.
Ayon sa ayaw magpakilalang padre de pamilya, bagama’t hindi niya namukhaan masyado ang suspek ay sapat nang maibunyag na bukod sa nagmamaneho ito ng puting Hyundai van na hindi nakuha ang plate number ay may kayabangan sa katawan ang nakabaril sa kanyang anak.
Bukod pa rito, tila pamilyar ang suspek sa mga pasikot-sikot o maliiit na kalsada sa Project 7 at hinihinalang may kaya ito sa buhay at residente sa isa sa mga kilalang subdibisyon sa lugar.
Sa tulong na rin ng ilang nagmamalasakit at naawa sa sinapit ng biktima, nailagay na rin sa Facebook ang hitsura ng van na minamaneho ng suspek at iba pang mga detalye sa insidente.
Hinihinalang nasa impluwensya rin ng alak ang suspek kaya nagawang mamaril at maaaring nagmula sa pakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan o kaya nag-bar hopping sa mga resto bar sa lungsod.
Sa mga nabanggit na detalye, umaasa ang naiwang pamilya ng biktima na may lulutang na testigo o may kakilala na magdidiin o magbubuko sa pagkakakilanlan ng suspek.
Maalalang dakong-4 ng madaling-araw nang magpaputok ng tatlong ulit sa M.H. Del Pilar Street sa Bungad Village, Project 7, Q.C. matapos na may makasagutan sa isang traffic altercation.
Pero dahil masyadong maliwanag ang ilaw ng kotse ng suspek na nakasalubong ng tatay ng biktima, natalo ang kanyang paningin kaya di’ niya ito naplakahan.
The post Motoristang nakabaril sa estudyante sa QC makikilala rin appeared first on Remate.