NILAGDAAN na ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang condolence book para sa yumaong si Pangulong Nelson Mandela ng Timog Africa sa Makati.
Nagsadya si Pangulong Aquino sa Embahada ng Timog Africa sa Makati at nilagdaan ang Book of Condolences bilang parangal sa alaala ni Mandela.
“Nawa ay patuloy na maging maluningning na ulirang halimbawa ang inyong kahanga-hanga at katangi-tanging buhay upang bawat isang nilalang na may malasakit na ang daigdig na ito ay maging higit na mainam na pamayanan,” wika ng Pangulo sa isinulat niya sa Aklat ng Pakikiramay.
Sinalubong ang Pangulo ni Embahador Agnes Nyamanda-Pitao ng Timog Africa sa Pilipinas nang dumating sa embahada kasama si Kalihim Albert del Rosario ng Ugnayang Panlabas.
Binawian ng buhay si Mandela noong Disyembre 5 sa gulang na 95. Uukulan ng state funeral ang yumaong bayani ng pandaigdig na demokrasya sa Timog Africa sa Disyembre 15.
Kanina nang mag-ukol ng seremonyang alaala para kay Mandela sa Carlos P. Romulo Auditorium sa RCBC Plaza sa Makati.
Ang embahada ay naglagay ng Book of Condolences na maaaring lagdaan ng madla simula Martes hanggang Biyernes mula ika-10 ng umaga hanggang ika-4 ng hapon sa RCBC Plaza sa Makati.
The post Condolence book para kay Mandela nilagdaan na ni PNoy appeared first on Remate.