MISTULANG nagsumbong si Taclocan City Mayor Alfred Romualdez sa Senate committee on national defense and security sa pamumulitika ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa pamahahagi at pagtulong sa sinalanta ng bagyong Yolanda.
Sa kanyang testimonya sa ginanap na pagdinig sa Senado kanina, sinabi ni Romualdez na nagmistulang “political arena” ang ginawa ni Roxas sa pamamahagi ng relief goods sa mga kababayan nito na dinurog ng Yolanda.
“Sa dami ng eroplano at military trucks na dumating sa Tacloban, hindi pinansin ng rescue team ang mga biktima na puwede pang masagip. Kaya nagtataka ang aming kababayan kung bakit ganoon ang nangyari. There was never a rescue,” Romualdez.
Nauna nang pumutok sa media na pinipili ni Roxas ang pamimigay ng relief goods at pagsasagawa ng rescue operations sa sinalanta ng bagyong Yolanda na mahigpit namang pinabulaanan ni Roxas.
Kinumpirma naman ni Senator Antonio Trillanes na nagkaroon ng pulitika sa pamamahagi ng relief goods at rescue, ngunit ayaw niyang magkaroon ng pinal na paghuhusga dahil hindi nakarating si Roxas sa pagdinig sa kabila ng maraming imbitasyon.
Dahil dito, sinabi ni Trillanes na muling ipatatawag ng Senado si Roxas sa pagdinig upang matunghayan naman ang kanyang panig sa akusasyon na namulitika ito sa harap ng mala-delubluyong pangyayari matapos manalasa si Yolanda sa Leyte.
The post Pamumulitika ni Roxas sa Tacloban relief ops ibinulgar appeared first on Remate.