PORMAL nang hiniling ni Senador Miriam Defensor-Santiago sa Ethics committee ng Senado na magkaroon ng katulad na imbestigasyon hinggil sa “disorderly behaviour” ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile.
Sa dalawang pahinang liham, sinabi ni Santiago kay Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na nilabag ni Enrile ang Rule 34 ng Senate Rules nang maghatid ito ng privilege speech na inaakusahan siyang “grandmamma of all lies.”
“This is to respectfully request you to consider this letter as a formal complaint against Sen. Juan Ponce Enrile for disorderly behaviour, by attacking me on a personal level in a prior privilege speech that he delivered on November 27, 2013,” ayon kay Santiago.
Dahil hindi pa nabubuo ang Ethics committee, hiniling din ni Santiago kay Senate President Franklin Drilon na kaagad iorganisa ang lupon upang magkaroon kaagad ng imbestigasyon.
Nauna nang hiniling ni Santiago sa Department of Justice na imbestigahan si Enrile bilang utak ng pork barrel scam, hari ng smuggling at illegal gambling sa Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).
Sa kanyang liham, sinabi ni Santiago na ginamit lamang niya ang kanyang karapatan na sumagot na ipinaliwanag ng mga naunang desisyon ng appellate court sa United States v. Canete, 38, Phil. 253 (1918).
Tinukoy din ni Santiago sa People v. Chua Chiong, C.A., 51 O.G. 1932, na maaari siyang sumagot bilang self-defense sa akusasyon ni Enrile.
Samantala, sinabi naman ni Drilon na ikokonsidera ng Committee on Rules na pinamumunuan ni Cayetano kung ano ang gagawin sa privilege speech at kahilingan ni Santiago na paimbestigahan si Enrile.
The post Enrile pinaimbestigahan na sa Ethics panel appeared first on Remate.