BIBIGYANG parangal ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang may 300 niyang kawani na pinadala sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Nabatid kay Tolentino na bukas ng umaga, Lunes ay isasabay ang parangal matapos ang gagawing pagpupugay sa watawat bilang pagkilala sa ipinamalas nilang pagtulong sa clearing operation at pagtukoy sa mga nasawi sa bagyo.
Ayon pa kay Tolentino, hindi naging madali ang pagtulong ng kanilang mga tauhan na ipinadala sa mga lugar na labis na sinalanta ng bagyo kaya nararapat lamang silang pagkalooban ng pagkilala bilang paraan ng pasasalamat ng ahensiya.
Tiniyak ni Tolentino na hindi lamang sertipiko ang matatanggap ng mga kawani dahil pagkakalooban din sila ng bonus, kabilang na ang apat na araw na day-off.
Nakatakda ring isailalim sa stress debriefing ang mga kawaning ipinadala sa Eastern Visayas na pangungunahan ng Department of Health (DoH) dahil nakatatak sa kanilang isipan at damdamin ang trahedyang nasaksihan.
Matatandaan na ang MMDA ang isa sa mga ahensiya ng pamahalaan na unang tumugon sa pangangailangan ng tulong sa mga lugar na sinalanta ng bagyo matapos iutos ni Tolentino ang pagdadala ng kanilang mga tauhan, isang araw matapos binayo ng bagyo ang mga lalawigan sa Eastern Visayas, partikular na sa Tacloban City.
The post MMDA na umayuda sa Yolanda victims pararangalan appeared first on Remate.