BALI-BALI ang binti at nalasog ang katawan ng 20-anyos na 1st year Electronics and Communication Engineering student ng Technological Institute of the Philippines (TIP) matapos tumalon mula sa 24th floor ng inuukupahang unit at bumagsak sa swimming pool na nasa ika-7 palapag ng condominium sa Taft Ave., Maynila.
Kinilala ang biktima na si Jethro Mark Pechon, nanunuluyan sa Unit 2423 ng Grand Tower II sa kanto ng P. Ocampo St., at Taft Ave., Manila.
Sa report, alas-8:55 kagabi nang naganap ang insidente sa nasabing condominium.
Ayon sa guwardiyang si Raymond Aliado, nakarinig siya ng malakas na lagapak sa nasabing gusali at nang tingnan ay nakita niyang nagkulay pula ang tubig sa swimming pool kaya agad na ipinagbigay alam sa kanyang superior.
Lumalabas na nakabukas ang steel window sa kuwarto ng biktima at may nakalagay na upuan na hinihinalang ginamit na tuntungan ng biktima.
Nabatid na bumagsak ang biktima sa 3 feet na lalim ng swimming pool kaya nagkabali-bali ang kanyang binti at malalim na sugat sa kanyang kilay.
Huling nakitang buhay ang biktima alas-5 ng hapon kahapon nang iwan ng kanyang mga kasama sa kuwarto para dumalo sa isang general assembly sa pinapasukang kolehiyo.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng biktima sa pagpapakamatay.
The post TIP student tumalon mula 24th floor lasog appeared first on Remate.