IPATATAWAG ng House Committee on Housing and Urban Development ang mga eksperto mula sa pribado at pampublikong sektor upang pagsumitihin ng mga proposal para sa pagpapaunlad ng National Building Code (NBC).
Ito ay matapos isulong ni Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez, chairman ng nabanggit na komite na panahon na upang rebisahin ang NBC upang ang mga itatayong gusali at bahay ay mapatatag kahit humagupit pa ang isang bagyo na katulad ng Yolanda.
Kailangan na aniyang mabago ang NBC partikular ang building specifications upang makagawa ng mga imprastraktura na mas matibay at dapat iprayoridad ng komite upang matiyak ang kaligtasan ng buhay at proteksyon sa mga ari-arian.
Nauna rito ay nagpanukala si Benitez na gawing model cities ang mga lugar na sinalanta ng bagyo upang makita ng taumbayan ang determinasyon ng gobyerno sa isinasagawang rehabilitasyon sa Leyte, Samar at Iloilo.
Binigyang diin pa ng kongresista na pangunahing hakbang na rito ng gobyerno ay ang pagtatalaga kay dating Senador Panfilo “Ping” Lacson upang maging rehab czar.
The post Mga eksperto sa gusali at bahay ipatatawag ng Kamara appeared first on Remate.