NGAYONG pagpasok ng Christmas month, muling pinaalalahanan ng isang environmental group ang publiko na mag-ingat laban sa mga kiddie products na may sangkap na nakalalasong kemikal.
Inaasahan ng EcoWaste Coalition na ngayong pormal nang tumuntong ang buwan ng Disyembre ay maraming tao na ang nagsisimulang maghanap ng mga bagay na maaaring ipang-regalo sa mga bata sa Pasko.
Ayon kay Thony Dizon, coordinator ng Project Protect ng EcoWaste Coalition, dapat na bantayang mabuti ng publiko ang mga laruang may taglay na delikadong kemikal na maaaring maglagay sa panganib sa kalusugan at buhay ng mga paslit.
Matatandaang natuklasan ng grupo na may toxic metals, na antimony, arsenic, cadmium, chromium, lead at mercury, ang 217 mga toy sample na kanilang nabili sa pagitan ng Setyembre at Nobyembre 2013 mula sa mga formal at non-formal retailers sa mga lungsod ng Maynila, Parañaque, Pasay at Quezon.
Nabatid na 176 sa mga naturang toy samples ay may lead na brain damaging toxin, at nagiging sanhi ng mental retardation, learning difficulties, lower intelligence quotient scores, pagkaantala ng paglaki, anemia, pagkabingi, at pinsala sa bato, kung malalanghap, makakain at malalagay sa balat ng isang tao.
Kabilang sa top ten toy samples na may pinakamaraming lead content at hindi dapat bilhin at ibigay sa mga bata ay ang isang walang tatak na kulay dilaw na play chair na may disenyong Winnie the Pooh, isang hubad na manyika na may hawak na dilaw na tuwalya, isang itim at dilaw na polyvinyl chloride (PVC) plastic boxing gloves na may disenyong SpongeBob Squarepants, isang walang tatak na rug doll na may dilaw na PVC plastic dress, isang Justice League Superman stuffed toy, “Style Beauty Series” dolls, kulay pula at berdeng dragon, Pocket Bola Pikachu, Fashion Doll na may suot na berdeng PVC dress, at Ji Hua” jumping rope na may berdeng cord.
Kaugnay nito, pinayuhan pa ng EcoWaste Coalition ang publiko na upang maiwasan ang pagbili ng mga laruang chemical hazard ay umiwas sa pagbili ng mga PVC toys na may taglay na lead at iba pang toxic additives, malakas ang amoy ng kemikal, sadyang nilagyan ng pabango para mawala ang amoy ng kemikal, at mga laruang matitingkad ang kulay, maliban na lamang kung ang mga ito’y sertipikadong ligtas mula sa lead.
Dapat ding basahing mabuti ng mga consumer ang product labels, i-check ang chemical safety at health information, at hanapin ang License to Operate (LTO) number, gayundin ang indicator na ang toy manufacturer, importer o distributor nito ay sumusunod sa documentary requirements ng Department of Health.
Alinsunod sa DOH Administrative Order 2007-32, lahat ng locally produced at imported toys ay dapat may label na nagsasaad ng duly registered name at trademark, model reference number, pangalan ng manufacturer o distributor, at lugar, bansa, taon nang pagkakagawa nito, gayundin ng mga babala at mga precautionary indications.
The post Toxic chemical sa kiddie products ibinabala appeared first on Remate.