KALABAW lang ang tumatanda.
Kahit may katandaan, ipinakita ni top seed Johnny Arcilla na may asim pa ito matapos pagpagin si Mario Sabas, 6-0, 6-1, sa pagsisimula ng main draw ng men’s division ng 32nd Philippine Columbian Association (PCA) Open kahapon sa PCA covered courts sa Plaza Dilao, Paco, Maynila.
Nagmistulang ensayo para kay Arcilla ang kanyang first round match labansa unseeded na kalaban at tinapos ang laro sa loob lamang ng 45 minuto.
Sumampa sa second round si 33-year old Arcilla kasama sina second rank Patrick John Tierro, No. 3 Elbert Anasta, fourth seed Marc Reyes No. 5 Rolando Ruel Jr., seventh rank Leander Lazaro at No. 8 Marc Anthony Alcoseba.
“Gusto ko ipakita na hindi pa ako matanda. Maganda ang confidence level ko kaya puwede pa ako manalo dito,” wika ni Arcilla na isa sa miyembro ng Philippine Davis Cup team.
“Ayaw ko din magpa-kumpiyansa at ang lahat ng malalakas ay nasa lower half ng draw. Suwerte lang ako at nasa upper half ako,” dagdag pa nito na nais masungkit ang kaniyang ikawalong titulo at ang P100,000 champions purse sa P600,000-event na siyang pinakamatagal sa bansa.
Humataw ng may iniindang right ankle sprain si Tiero upang paluhurin si Fritz Verdad, 6-2, 6-1.
“Medyo nag aalangan at takot ako tumakbo nuong una dahil sa sprain ko at may kaunting sakit pa. Dala na lang ng adrenalin siguro kaya nanalo,” ani Tierro.
“Mabuti na lang at Martes pa ang next game kaya may time para magpahinga. Mabigat pa naman ang nasa draw ko at halos anduon ang mga malalakas. Lahat nag prepare para dito kaya hindi puwede mag relax.”
Kinaldag ni Anasta si Eric Olivarez Jr., 6-0, 6-3; pinaluhod ni Reyes si Rommel Openiano, 6-0, 6-4; nagwagi naman si Ruel kontra kay Vince Salas, 6-4, 6-1; binigo naman ni Lazaro si Jessie Divinagracia, 6-0, 6-2; hiniya ni Alcoseba ang qualifier na si Weng Arcenas, 6-1, 6-2; inilampaso ni Sagansay si Dave Mosqueda, 6-0, 6-2; at hiniya ni mano si Hakim Capiga, 6-3, 6-3.
The post Arcilla puwede pa appeared first on Remate.