TAHASANG ipinahayag ni Sarangani Representative Manny Pacquiao na lilipat na lamang siya sa opposition sa Kamara de Representantes kasunod ng kontrobersiyang kinasasangkutan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kaugnay ng P2.2 billion na tax evasion case.
Sa ngayon si Pacquiao ay nasa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA) ni Vice President Jejomar Binay ngunit mas piniling nasa grupo ng mayorya sa Kamara.
Ayon kay Rep. Carol Jane Lopez ng You Against Corruption and Poverty party-list group na isa sa malapit kay Pacquiao, matagal nang nagpahayag ng kagustuhan si Pacman na umanib sa kanilang grupo sa minorya mula nang ungkatin ng pamahalaan ang kanyang kayamanan at sinampahan ng tax evasion cases.
Sinabi naman ni House minority leader Rep. Ronaldo Zamora, nakahanda ang kanilang grupo na saklolohan si Pacquiao sa kanyang tax evasion case sa pamamagitan ng pagbigay ng magagaling na accountants at abogado.
Katunayan ikalulugod nila kung nais ni Pacman na makipag-usap sa opposition sa Kamara dahil handa silang tulungan ang Pinoy ring icon laban sa panggigipit ng pamahalaan sa kanyang kayamanan.
The post Pacquiao lilipat na sa oposisyon appeared first on Remate.