IPINASA sa Kamara ang resolusyong inihain ng independent Minority bloc sa pangunguna ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na nagbibigay pagkilala kay Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Kaugnay pa rin ito sa kanyang tagumpay sa kanilang laban ni Brandon Rios sa Macau na nagbigay ng panibagong inspirasyon sa Pilipinas lalo na sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Nagpapasalamat ang mga Leyteno kay Pacman dahil sa ibinigay niyang bagong sigla na simbolo ng muling pagbangon ng lalawigan matapos ang delubyong tinamo nito.
Kabilang sa mga nagsulong sa resolusyong ito sina Navotas Rep. Toby Tiangco, Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla, Camarines Sur Rep. Diosdado M. Arroyo, Buhay Hayaang Yumabong (Buhay) party-list Rep. Lito Atienza, Abakada party-list Rep. Jonathan dela Cruz, La Union Rep. Victor Ortega, Surigao del Sur Rep. Philip Pichay, dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at Quezon Rep. Aleta Suarez.
Binanggit din sa resolusyon ang mga naghatid ng parangal sa Pilipinas matapos manalasa ang bagyong Yolanda na kinabibilangan nina Harmonito dela Torre na nagpabagsak din sa kalabang Indonesian na si Jason Butar-Butar, Dan Nazareno Jr. na naipanalo rin ang laban sa pamamagitan ng technical knockout (TKO) sa kalabang English na si Liam Vaughn.
Maging ang tagumpay ni ‘Filipino Flash’ Nonito Donaire, Jr. na tumalo naman kay Vic Darchinyan ng Thailand sa pamamagitan ng technical knockout sa Corpus Christi Arena, Texas, U.S.A. noong November 10, 2013.
Kasama rin ang tagumpay noong November 10 ni Ariella Hernandez Arida, ng Laguna, nang masungkit ang pwestong third runner-up sa katatapos na 2013 Miss Universe pageant sa Crocus City Hall sa Moscow, Russia.
The post Pagkilala kay Pacman aprub sa Kamara appeared first on Remate.