HINDI naitago ng mga kongresista ang pagkadismaya sa freeze order na ipinalabas ng Court of Tax Appeal sa mga deposito ni Sarangani Rep. at Pambansang Kamao Manny Pacquiao.
Sa magkahiwalay na pahayag ay kapwa sinabi nina Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga at Eastern Samar Rep. Ben Evardone na wala sa timing ang freeze order laban kay Pacquiao dahil katatapos lamang ng panalo kay Brandon Rios.
Hindi anila magandang tingnan na naiulat ito isang araw matapos ang panalo ni Pacquiao na ipinagdiwang ng buong bansa at nagbigay ng bagong inspirasyon sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Iginiit pa ng dalawang kongresista na malaking epekto nito sa gagawing pagtulong ni Pacquiao sa mga biktima ng bagyong Yolanda na kanyang personal na dadalawin upang dalhan ng tulong.
Nagpahayag naman ng interes si Barzaga, chairman ng House Games and Amusement Committee, na siyasatin ang tax case ni Pacquiao na pinag-ugatan ng freeze order sa bank deposits nito.
Ang P2.2 bilyong tax case ng pambansang kamao ay resulta ng kabiguan nito na ideklara sa income tax returns ang milyon-milyong dolyar na kinolekta ng Internal Revenue Service ng Estados Unidos sa mga premyo niya sa panalo sa boksing mula 2008 hanggang 2009.
The post Solons dismayado sa freeze order vs deposito ni Pacman appeared first on Remate.