PATAY ang isang lalaki habang malubhang nasugatan naman ang isa pa sa naganap na krimen kung saan malaki ang hinala ng pulisya na may kinalaman ang iligal na droga sa nabatid na insidente kagabi sa Parañaque City.
Dead on arrival sa Florencio Bernabe Hospital ang biktima na tinawag lamang na alyas “Chow” habang nasa kritikal namang kondisyon sa nabatid ding ospital ang isang Jeremias Villamayor, 35 ng Balagtas St., Barangay Don Galo, may mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, alas-8 kagabi ng maganap ang insidente sa paanan ng footbridge sa Dr. A. Santos Avenue sa Barangay La Huerta ng nabatid na lungsod.
Nauna rito, nakatayo sa nabatid na lugar si Villamayor at hinihintay ang isang alyas Teng na magbebenta sa kanya ng shabu nang sumulpot mula sa kanyang likuran si Chow na armado na ng patalim at kaagad na inundayan ng sunod-sunod na saksak ang una.
Duguan na si Villamayor nang dumating ang hinihintay na si Teng, kasama ang isa pa na nakilala lamang sa alyas Alvin na kapwa naman armado ng kalibre .45 baril at pinaputukan nang malapitan si Chow bago mabilis na nagsitakas.
Nang magresponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 3 ng Parañaque police, hindi na nila inabot ang dalawang suspek at sila na rin ang nagsugod sa dalawang biktima sa pagamutan.
Inaalam naman ni Parañaque police chief Senior Supt. Ariel Andrade kung ang bilanggong si Dioscoro Jao na lumaya noong Nobyembre 19 mula sa Parañaque City jail matapos maharap sa kasong may kinalaman sa iligal na droga at ang namatay na si alyas Chow ay iisa.
The post 1 patay, 1 sugatan sa onsehan sa droga appeared first on Remate.