NADAKIP ng mga barangay tanod ang dalawang notoryus na karnaper na kumikilos sa Maypajo, Caloocan City, makaraang biktimahin ang isang service crew, kagabi.
Kinilala ni Chief Insp. Ilustre K. Mendoza, hepe ng SS-2 Caloocan City Police Station ang mga nadakip na sina Roy Fuentes Serrano, alyas “Loloy”, 44, jobless ng #20 Lerma A. St., Barangay 30, Maypajo Caloocan City at Ronald Leonardo Plaza, alyas “Ronald”, 33, jobless, ng #207 San Bartolome, Isla San Juan, Barangay 34, Caloocan City, habang ang biktima ay nakilalang si Jeffrey Miller Sagun, 20, service crew, ng #343 Dimasalang Street, Barangay 30, Caloocan City.
Batay sa imbestigasyon ni PO1 Patrick Baldemor, dakong alas-11:45 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Pasig St. cor. Cainta St., Barangay 30, Maypajo ng nasabing lungsod.
Minamaneho ng biktima ang Mio Sporty Motorcycle at papauwi na ng bahay nang harangin ng mga suspek sa madilim na bahagi saka tinutukan ng patalim.
Puwersahang kinuha ng mga suspek ang motorsiklo saka sinakyan at mabilis na pinaharurot.
Agad na hinabol ng biktima ang mga suspek at nagsisigaw ng tulong na siyang nakatawag pansin sa nagpapatrulyang mga barangay tanod na tumulong sa paghabol sa mga suspek hanggang sa mokorner ang mga ito.
Mabilis na kinapkapan ng mga tanod ang mga suspek at nakuha sa pag-iingat ng mga ito ang isang dagger na may habang 11 pulgada at nabawi ang motorsiklo ng biktima.