BINUBUSISI ng mga awtoridad kung may kaugnayan sa pagiging tanod ng barangay ang motibo ng pamamaril at pagkamatay ng isang tanod sa Sta. Cruz, Manila.
Apat na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ng biktimang si Elmer Dayon, 40; may asawa; tubong Calumpit, Bulacan; tanod sa Brgy. 313 Zone 31 at residente ng 1301 Claro M Recto Avenue malapit sa Luzon Creek sa Sta. Cruz, Manila.
Samantala, mabilis namang tumakas ang suspek na nakilalang si Reggenald Larios, 43, may asawa, tambay, dating tanod at kapitbahay ng biktima, na bitbit ang hinihinalang kalibre .38 na baril.
Batay sa ulat na isinumite ni Det. Benito Cabatbat kay P/Sr. Insp. Ismael dela Cruz, hepe ng Manila Police District-Crime Against Persons Investigation Section, dakong alas-11:40 ng tanghali nang maganap ang pamamaril sa biktima sa panulukan ng Doroteo Jose at Teodora Alonzo St., sakop ng kanilang barangay sa Sta. Cruz.
Nabatid na inabangan ni Larios ang paglabas sa bahay ng biktima saka ito pinagbabaril ng apat na beses at pagkatapos ay mabilis na tumakas ang suspek.
Lumabas sa imbestigasyon ni Det. Cabatbat na malimit ginugulo ng biktima ang samahan ng suspek at asawa nito kapag nalalasing ang una.
Hinala ng pulisya, may kinalaman sa pagiging tanod ang alitan ng dalawa, dahil dating barangay tanod si Larios sa ilalim ni Barangay Chairman Nestor Sy.