PATULOY ang imbestigasyon ngayon ng pulisya sa insidente ng robbery sa isang jewelry store na nasa loob ng SM Megamall sa Mandaluyong City.
Sa report sa telebisyon, pasado alas-siyete ng gabi kanina nang magkagulo ang mga tao sa loob ng mall matapos makarinig ng magkasunod na putok ng baril at pagkabasag ng mga salamin.
Ayon pa sa report, hinihinalang miyembro ng martilyo gang ang humoldap sa naturang tindahan.
Ito ay matapos na makarekober ang mga awtoridad ng isang bagong martilyo na posibleng binili sa loob ng mall at siyang ginamit sa pagbasag sa salaming estante ng jewelry store.
Kinumpirma rin sa ulat na nakatangay ang mga suspek ng mga alahas.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon at inaalam pa ang halaga ng mga natangay na alahas.
Wala namang naiulat na nasaktan sa pangyayari bagama’t nagdulot ito ng takot sa mga taong nasa loob ng mall.