DALAWA na ang naitalang patay habang dalawa pa ang kritikal sa nangyaring pagsabog sa isang minahan sa Barangay Bagawbawan, Rapu-rapu, Albay.
Kinilala ang mga biktima na sina Antonio Grageda at Jerson Dela Cruz, 33, na agad na binawian ng buhay kasunod nang pagsabog.
Kritikal naman ang dalawang iba sa ospital na kinilalang sina Boyon Moises, 43, at Christian Santillan, 31, mula sa Isla Batan.
Ayon kay S/Insp Arthur Gomez, tagapagsalita ng Police Regional Office V, naging pahirapan ang pagsagip sa mga minero maging ang pagpapaabot ng impormasyon dahil sa kawalan ng signal sa lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, isang malakas na pagsabog ang narinig mula sa mining site na matagal na ring binabalik-balikan ng mga residente.
Sa ngayon, inaalam pa ng mga awtoridad kung may mga naiwan pang minero sa loob ng minahan na maaaring mameligro pa sa posibleng pagguho ng lupa dala ng nangyaring pagsabog.
The post 2 patay, 2 kritikal sa pagsabog ng minahan sa Albay appeared first on Remate.