NAGING emosyonal ang mga empleyado ng kapitolyo ng Leyte sa kanilang pagbabalik-trabaho ngayong Lunes, higit dalawang linggo matapos ang pagtama ng bagyong Yolanda.
Hindi napigilan ng mga nakaligtas na magyakapan at mapaluha sa flag raising ceremony.
Iilan lamang ang nakapasok dahil ang ilan ay piniling lumisan na ng Leyte, nasawi o nawawala pa hanggang ngayon.
Suot ang mga naisalbang damit, nagbahagian ng mga kwento at karanasan ang mga trabahador dahil wala rin silang magagawang proseso sa kapitolyo na walang laman ngayon matapos ang bagyo.
Tumututok muna ang mga empleyado sa paglilinis ng kapitolyo at kanilang mga opisina.
May suplay na ng tubig ngunit wala pang kuryente sa kapitolyo.
Ipinangako naman ni Gov. Dominic Petilla na ginagawa na nila ang lahat upang makasweldo ang mga empleyado ng kapitolyo.
The post Leyte capitol employees emosyonal sa pagbabalik-trabaho appeared first on Remate.