HINDI dapat gawing alipin ng mga lider ng bansa ang bayan.
Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa mga lider ng bansa, kasabay nang pagdiriwang ng Simbahang Katoliko sa “Solemnity of Christ the King” nitong Nobyembre 24.
Ayon kay Tagle, tiwali ang isang hari o pinuno na nagsisilbi lamang sa sarili at hindi sa kanyang bayan at iginiit na ang isang mabuting lider ay nagsisilbi sa bayan, sa mga mamamayan at hindi ginagawang alipin ang bayan.
Kaugnay nito, umaasa ang Cardinal na matututo na ang mga lider ng bansa kay Hesus na iniligtas ang sangkatauhan sa halip na iligtas o isalba ang sarili.
Nalulungkot na inihayag ni Tagle ang katotohanang kailangan pang kumatok, makikiusap at magmakaawa ang isang mahirap sa Mayor o sa pamahalaan para lamang makahingi ng isang paracetamol o kaya makapag-x-ray.
“Ang nangyayri ngayon, ang hari-harian ay nag-uunahan to save themselves, inilalaglag ang iba para maisalba ang sarili, hindi ganyan ang kalooban ni Hesus. Sana matuto sila, sana sa halip na iligtas sarili at ipahamak ang bayan ay maglingkod sa bayan dahil ang ganyang paghahari ay nakakasira ng buhay at ng mundo. Iyan ang mga haring ginagwang alipin ang karamihan. Di ba nakakahiya na kahit paracetamol kakatok pa ang mahihirap sa mayor para makahingi, para mabigyan ng x-ray makikiusap pa sa pamahalaan? Di ba tayo ginagawang mga alipin? nasaan na ang pagmamahal? Ang paglimot sa sarili na magbigay ng dangal sa iba? Iyan ba ang tunay na kapangyarihan?” anang Cardinal.
Nakikiusap din si Tagle sa lahat ng opisyal ng pamahalaan na ipalaganap ang paghaharing tunay ng walang pansariling interes tulad ng paghaharing tunay ni Hesus.
The post Tagle sa mga lider: ‘Bayan wag gawing alipin’ appeared first on Remate.