NANGGIGIL sa inis si National Press Club (NPC) Vice President Marlon Purificacion matapos malaman ang sinabi ng Task Force Usig ng Philippine National Police (PNP) na hindi maituturing na media killing ang Ampatuan Massacre na naganap may apat na taon na ang nakararaan.
Ani Purificacion, hindi birthday o Christmas party ang pinuntahan ng may 32 journalist na napatay sa tinaguriang Ampatuan Massacre kundi coverage.
“Inimbita sila para mag-cover, hindi para makipagsayahan, dahil may banta sa buhay ni Gov. Esmael Mangudadatu,” ani Purificacion. “Nagtatrabaho sila, hindi nagpapasarap.”
Ang Ampatuan Massacre ang itinuturing na ‘biggest single blow’ sa kalayaan sa pamamahayag sa bansa, kung saan 54 katao ang pinatay at ibinaon sa isang mass grave, kasama ang 32 aktibong journalists ng iba’t ibang pahayagan, TV at radio.
Gayunman, para sa NPC, hindi siniseryoso ni Pres. Benigno Simeon Aquino III ang pagresolba sa nasabing kaso.
Binanggit pa ni Purificacion ang pangako ng Pangulo na pangangalagaan ang mga mamamahayag sa bansa, ngunit wala namang nangyayari.
“Kilabutan naman sana sila at mag-isip muna bago magbitiw ng salita,” dagdag pa ng ikalawang pinakamataas na opisyal ng NPC.
“Ano ba ang basehan nila para masabing biktima ng media killing ang isang tao? Ang pulis, ‘pag napatay sa oras ng trabaho, kahit nagta-traffic lamang, in line of duty pa rin. Ang journalist, walang oras ang trabaho. ‘Pag may naamoy na balita, kahit tulog, kahit pagod, gumigising para mag-cover at makapag-report,” pagtatapos ni Purificacion.”
The post NPC kinastigo ang pahayag ng Task Force Usig appeared first on Remate.