ISA raw sa tinitingnan para mailista ang pangalan mo sa mga bibigyan ng relief goods sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda ay ang voters ID.
Sa mga nakarating na sumbong sa Lily’s Files at mismong mga kamag-anak ko sa Ormoc City ay nagsasabing para makatanggap ka ng relief goods na galing sa DSWD ay kailangang may voters ID kang maipapakita sa incharge ng distribution nito.
Papaano kung ang mga papeles mo, kabilang na ang iyong voters ID ay inanod ng tubig-baha, ano ang ipapakita mo sa mga naglilista ng mga pangalan?
‘Yung mga botante lang ba ang mga nabiktima ng bagyong Yolanda? Paano naman ‘yung ibang biktima ng bagyo na walang voters ID, tutunganga na lang ba sila, maghihintay na lamang ba sila sa wala?
Anong mentalidad mayroon ang mga namumuno sa ating bansa, bakit sa mga ganitong pagkakataon na lang ay parating pinaiiral ang ganitong sistema, hindi ba puwedeng iisantabi na muna natin ang pulitika?
Dahil sa sistemang ipinatutupad ng ating gobyerno ay nagsisimula na raw mabulok ang relief goods na nakaimbak sa mga bodega ng DSWD sa Leyte.
Sinasabi ring hindi puwedeng pumila kapag hindi ka kakulay dahil harap-harapan kang hihiyain ng mga namimigay ng relief goods
Kung sinoman ang may pakana nito dapat sa inyo ay sunugin ng buhay o kaya ay dalhin sa laot at ihulog sa dagat para naman mapakinabangan ng mga pating.
o0o
Ngayong araw na ito, Nobyembre 23, ay eksaktong ika-apat na anibersaryo ng Ampatuan massacre kung saan ay napatay rito ang 58 katao, kabilang na ang 32 mamamahayag.
Apat na taon na ang kasong ito ng mga Ampatuan pero bakit hanggang ngayon ay wala pa ring nahahatulan gayong matibay ang mga ebidensiya sa mga suspek?
Sumisigaw ng katarungan ang pamilya ng 58 biktima pero mukha yatang ayaw silang pakinggan ng ating gobyerno na noong kampanya ng 2010 presidential election ay isa ito sa mga isinisigaw ng mga nakaupo ngayon.
Well, huwag po tayong magtaka kung bigla na lang nating makita ang mga suspek o akusado ng Ampatuan massacre na malayang naglalakad. Ganyan talaga ang pulitika at hustisya rito sa atin.
The post VOTERS ID KAILANGAN SA RELIEF GOODS; AMPATUAN MASSACRE appeared first on Remate.