PINANGANGAMBAHANG mauubos ang mga politikong magkukumahog na tumakbo sa pagka-kongresista at senador ng bansa.
Ito ang inihayag ng ilang political analyst na tumangging magpabanggit ng pangalan makaraang ideklara ng Korte Suprema sa botong 14-0 na labag sa batas ang kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund sa ilalim ng 2013 National Budget.
Anila, tapos na ang maliligayang araw ng mga politiko na tumatakbo lang sa Kongreso dahil sa naglalakihang “pork barrel” na nakalaan para sa mga proyekto ng mga mambabatas ngayong idineklara na itong iligal ng SC.
Nabatid na idineklara rin ng Kataas-taasang Hukuman na labag sa Saligang Batas ang lahat ng legal provision tungkol sa congressional pork barrel sa mga nakalipas na General Appropriations Law, gaya ng Countrywide Development Fund, pati na ang ginawang congressional insertions sa pambansang pondo.
Iligal din o unconstitutional ang probisyon sa Presidential Decree No. 910, partikular na ang phrases na “and for such other purposes as may be hereafter directed by the president” na nakapaloob sa Section 8 nito na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo para gamitin ang Malampaya Fund sa iba pang proyekto na walang kinalaman sa energy development o energy projects, gayundin ang Section 12 ng Presidential Decree No. 1869 as amend by Presidential Decree No. 1983, partikular na ang phrase sa probisyon na “to finance infrastructure projects.”
Ang PD 910 ay ang batas na nagre-regulate sa lahat ng mga aktibidad na may kinalaman sa energy development habang ang PD 1869 naman ay batas na nagtatakda na ang kita ng gobyerno mula sa casino operations ay gagamiting pondo para sa mga prayoridad na infrastructure project at pagpapaayos ng mga napinsalang pasilidad dahil sa kalamidad.
Ang pinagkukunan ng Presidential Social Fund ay mula sa kita ng PAGCOR.
Ayon sa SC, ang kinukuwestyong probisyon sa ilalim ng PD 910 at PD 1869 ay parehong lumalabag sa principle of non-delegability of legislative powers.
Samantala, idineklara rin ng Korte Suprema na ang temporary injunction na ipinalabas ng hukuman noong Setyembre 10, 2013 ay permanente na.
Dahil dito, permanente na ring pinipigilan ng Korte Suprema ang pagpapalabas o paggamit ng nalalabing PDAF Fund sa ilalim ng 2013 budget, gayundin ang pondo mula sa Malampaya Fund na inilaan sa mga proyektong walang kinalaman sa enerhiya, partikular na iyong mga proyekto na hindi saklaw ng Notice of Cash Allocation kundi SARO lamang.
Samantala, maging ang pagpapalabas ng pondo mula sa Presidential Social Fund na inilaan para tustusan ang priority infrastructure development projects bilang pagtalima sa Section 12 ng PD 1869 as amended by PD 1993 ay pinipigilan din ng korte.
Ang pondo umano na inilaan para sa nasabing layunin ay hindi gagastusin at sa halip, ibabalik ito sa kaban ng bayan.
Inatasan din ng hukuman ang mga prosecutorial organ ng gobyerno na imbestigahan at usugin ang lahat ng opisyal ng gobyerno na sangkot sa ‘di tama o iligal na paggamit ng lahat ng nabanggit na pondo na nasa ilalim ng pork barrel system.
Mga kongresista dismayado sa desisyon ng SC
PUBLIC pressure ang pangunahing dahilan ng pagbabago ng desisyon ng SC para ideklarang unconstitutional ang PDAF ng mga mambabatas.
Ito ang paniniwala ng isang kongresistang abogado na si Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga matapos bumaligtad ang mga mahistrado ng SC at sabihing labag ito sa saligang batas.
Ipinaliwanag ni Barzaga na posibleng ang mga protesta laban sa PDAF at pagsingaw ng pork barrel scam ang pangunahing nakaapekto sa mind set ng mga mahistrado kaya hindi na siya nagulat sa desisyon na nagdeklarang unconstitutional ang PDAF.
Dagdag pa ni Barzaga na malungkot ang araw na ito, partikular sa mga benepisyaryo, sa kanilang scholars at may sakit na constituents.
Ngunit hindi pa rin naman nawawalan ng pag-asa si House Speaker Feliciano Belmonte dahil sinabi niyang pag-aaralan pa ng Kamara kung papaano pa rin maililipat sa calamity fund ang natitirang PDAF ng 2013 sa kabila ng desisyon ng SC.
Kinumpirma ni Belmonte na ang natitirang halos P12 bilyong PDAF ng 2013 ay didiretso sa national treasury.
Samantala, hihintayin muna ng Malakanyang ang opisyal na desisyon ng SC na “unconstitutional” ang PDAF para pag-aralan kung ano ang implikasyon nito.
The post Solons mauubos sa desisyon ng SC sa PDAF appeared first on Remate.