PANAHON na para magtatag ang gobyerno ng Emergency Management Authority
Ito ang isinulong ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa kaniyang privilege speech upang magkaroon ng direktang mangangasiwa ng lahat ng hakbang ng gobyerno sa pagtugon sa kalamidad.
Sinabi ni Romualdez na ang kasalukuyang set up ay hindi sumasapat at napatunayan ito lalo matapos ang paghagupit ng super typhoon Yolanda.
Sa ganitong paraan ay mababawasan din ang bureaucratic red tape sa delivery ng relief goods, maging sa clearing operations na kakailanganin matapos ang kalamidad.
“The current set-up has proven to be inadequate in preparing our country from major calamities which we will inevitably have to face. This department will drastically reduce, if not totally eliminate, the bureaucratic red tape which caused the delay of the delivery of relief goods to the victims and clearing operations to the affected areas,” bahagi ng talumpati ni Romualdez.
Iminungkahi rin ng mambabatas na panahon na upang bumili ang gobyerno ng mga modernong gamit para sa search, rescue at relief operations.
Hiniling din ng mambabatas na paspasan ng Kamara ang pag-apruba sa kanilang panukala na magtatag ng Visayas Assistance and Rehabilitation Commission na popondohan ng P25 bilyon at ang resolusyon na nagbibigay ng awtorisasyon sa gobyerno na maglaan ng P30 bilyon para sa pagbangon ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Umapela rin si Romualdez sa Metro Manila na kalingain at kupkupin ang pangangailagan ng mga mamamayan ng Leyte na umalis sa sinalantang lugar at nagtungo sa Maynila at Cebu.
Sa kalagitnaan ng privilege speech ay ipinakita ni Romualdez ang nakaaawang sitwasyon sa Leyte matapos ang bagyong Yolanda sa pamamagitan ng video sa plenaryo.
The post Emergency management authority itatag na appeared first on Remate.