TINIYAK ng Malakanyang na wala munang magarbong Christmas party ang lahat ng mga tanggapan ng pamahalaan ngayong Disyembre.
Sinabi ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte na simpleng salu-salo na lang ang isinusuhestiyon nila na gawin sa bawat tanggapan upang ang perang inilaan para sa magarbong Christmas party ay ibigay na lamang sa mga naapektuhan ng bagyong Yolanda.
Binigyang halimbawa nito ang dalawang magkasunod na taon na hindi nagdaos ng magarbong Christmas party ang Malakanyang at ang mga tanggapan ng gobyerno.
Ito aniya ay nangyari noong 2011 matapos humagupit ang Bagyong Sendong ay nagdesisyon din ang gobyerno na huwag nang magdaos ng magarbong Christmas party at nasundan din aniya ito noong 2012 ng Bagyong Pablo naman.
“Nagre-respond naman po accordingly iyong ating kasamahan sa pamahalaan. Iyong iba po talagang simple celebration po o kaya iyong selebrasyon po nila ay hindi na po nila tinutuloy at dino-donate nalang po sa…para ho doon sa mga nasalanta ng bagyo. Alam ko po, meron ng mga ibang ahensiya na nag-declare quietly, internally na mag… ido-donate nalang po nila. Ngunit wala ho kasi akong premisong sabihin ang mga pangalan nila ngayon, but alam ko po marami na ring mga ahensiya who have signified their intent to do just that,” ayon kay Usec. Valte.
The post Magarbong Christmas party wala muna appeared first on Remate.