PINAWI ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng mga publiko sa posibleng sakit na makukuha sa mga nangangamoy nang bangkay sa lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Ani DOH assistant secretary Dr. Eric Tayag, hindi dapat mabahala ang mga residente sa lugar dahil walang makukuhang sakit sa mga ito.
Paglilinaw nito, walang idudulot na panganib sa katawan ng tao ang mga nangangamoy ng bangkay dahil wala naman ditong nabubuhay na mikrobyo.
Dapat aniyang katakutan ay ang mga buhay na puwedeng magdala ng sakit dahil sa ito ang nakahahawa.
Tulad na lamang ng pagbahing dala ng sipon at pag-ubo.
Isa pa sa posibleng makunan ng sakit ay ang maruming tubig at hindi magandang sanitation na posibleng pagmulan ng outbreak ng diarrhea.
At dahil sa binaha rin sa lugar at medyo maputik pa sa ilang bahagi nito ay malaki rin ang posibilidad ng pagkakaroon ng leptospirosis.
Kaugnay nito, kinumpirma ng opisyal na marami silang gamot ngunit kanilang pinoproblema ang pagpapadala nito lalo pa aniya at nababalitaan nila na karamihan ng dinadala doon ay hinaharang na ng mga residente.
Nililibot na rin aniya ng kanilang mga kasamahan ang mga lokal na pamahalaan upang mailibing na agad ang mga patay para mas maging maayos na ang lahat at matutukan na ang pagbibigay tulong sa mga nasugatan at mga biktimang sa ngayon ay nagkakasakit na.
The post DOH: Mas matakot sa buhay, wag sa bangkay appeared first on Remate.