NANAWAGAN ang isang grupo ng maralitang lungsod na iantala muna ng administrasyong Aquino ang pagpapasa sa national budget sa gitna ng mga kontrobersiyang kinakakasangkutan ng matatas na opisyal ng adminsitrasyon kaugnay sa pork barrel scam.
Ito ay kasabay ng nakatakdang pagpapasa sa mababang kapulungan ng Kongreso sa General Appropriations Act of 2014 ngayong araw.
Ayon kay Normelito Rubis, lider ng Pagkakaisa at Paglaban ng Maralita sa Sistemang Pork Barrel o PAGPAG vs Pork Barrel, batid ng kanilang grupo na hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang korupsyon sa gubyerno, at tiyak na sa bulsa ng mga malalaking lider ng bansa lamang mapupunta ang trilyong pisong pondo ng taumbayan.
Kinondena rin ng PAGPAG vs Pork Barrel ang pagmamatigas ni Aquino na ilusot ang national budget sa gitna ng mas nalalantad pang pork barrel scam.
Ani Rubis, “Matinding hinanakit ng maralita kay Pangulong Aquino ang paggamit sa amin upang bigyang katwiran ang taun-taong paglaki ng pondong pambansa.”
Aabot sa 2.3 trilyong piso ang national budget na nais ipasa ng gubyerno para sa taong 2014 ngunit ayon kay Rubis ay hindi naman ito napapakinabangan ng mga maralita.
Binanaggit ng grupo ang survey ng Social Weather Station na nagpapakita na tumindi ang kahirapan at kagutuman sa bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa SWS, mula 8.9 milyong pamilya sa bansa, naging 10.6 milyon ngayong 2013 ang nagsasabing sila ay naghirap. Samantalang dumoble naman ang bilang ng pamilyang dumaranas ng kagutuman mula 3.6 milyong pamilya noong 2010 patungong 7.9 milyong pamilya ngayong 2013.
The post Iantala ang pagpasa sa 2014 nat’l budget – PAGPAG appeared first on Remate.