WALANG nakitang campaign contribution ni janet Lim-Napoles ang Commission on Elections sa nakalipas na dalawang eleksyon mula 2010 at 2013.
Sinabi ito ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na nabusisi na nila ang report ng mga kandidato sa nakalipas na dalawang eleksyon kaugnay sa natanggap ng mga ito na campaign donation.
Gayunman, lalaliman pa ng COMELEC ang kanilang imbestigasyon sa mga darating na araw dahil sa ngayon ay masyado pa silang abala sa paghahanda para sa barangay elections.
“Mukhang hindi siya (Napoles) nagko-contribute sa elections. Marami pa, iniisa-isa namin for information lang. Mas maluwag kami sa 2014 after barangay elections,” ani Brillantes.
Nasakop aniya ng kanilang pagsisiyasat ang campaign contribution ng presidente, bise presidente at partylist groups.
Kasabay nito ay kinumpirma ni Brillantes na isang incumbent na kilalang politiko ang nakatakdang i-disqualify ng COMELEC dahil sa sobrang gastos nitong 2013 elections.
Hindi tinukoy ni Brillantes sa panayam sa Kamara nang dumalo sa budget deliberations kung sino ang politiko pero sinabi niyang hindi ito kaalyado ni Pangulong Aquino.
Nang kulitin ng media, sinabi lamang ni Brillantes na kilalang politiko ito.
Ani Brillantes, hindi ito senador pero pwede anyang kongresista, gobernador, bise gobernador o alkalde.
Sasampahan aniya ito ng dalawang kaso kabilang ang criminal case dahil sa paglabag sa Mmnibus election law at ang disqualification para sa administratibong aspeto.
The post Napoles walang kontribusyon sa 2010, 2013 elections – Brillantes appeared first on Remate.