BANGKAROTE na ang kaban ng lungsod ng Pasay pagpasok pa lamang ng buwan ng Hulyo na naging hudyat upang umalma ang daan-daang casual, consultant at job order employees ng lokal na pamahalaan bunga ng pagkaantala ng halos tatlong buwan nilang buwanang sahod.
Dahil dito, dismayado ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pagkaantala ng sahod ng kanilang mga consultant at casual employees na katuwang nila sa pagtupad sa kanilang tungkulin sa paggawa ng resolusyon, ordinansa at proyektong makatutulong sa kanilang mamamayan.
Ayon sa isang konsehal, aalamin nila ang ibang mga kadahilanan kung bakit nabangkarote ang lungsod kabilang na ang impormasyon na inuna ng lokal na pamahalaan ang pagbabayad ng mga naiwang obligasyon sa mga piling kontraktor.
Gayunman, ilang mga dismayadong empleyado ang nagpahayag na kung isusuko munang pansamantala ng mga konsehal ang kanilang P130,000 kada buwang Special Purpose Fund o pork barrel at ang P80,000 buwanang allowance mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ay tiyak na sapat na upang sumahod sa oras ang mga kawani.
Samantala, ipinaliwanag naman Pasay city treasurer Manuel Leycano, Jr. na sakto sana ang inilaang budget na P4.8 bilyong piso para sa taong kasalukuyan na gastusin ng lokal na pamahalaan kung saan ang P4 na bilyon ay manggagaling sa koleksiyon ng real property tax, internal revenue allotment at iba pang koleksiyon habang ang P800 milyon ay manggagaling naman sa kanilang uutangin.
Gayunman, hindi aniya nagawang makapangutang ng lokal na pamahalaan makaraang hindi nakapasa sa panuntunang ipinaiiral ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa pagkakaloob ng Seal of Good Housekeeping kaya’t kinapos sila ng P800 milyon.
Aminado rin si Leycano na lomobo ng husto ang bilang ng consultant, casual at job order employees dahil na rin sa pagtanaw ng utang na loob ng mga pulitiko sa mga sumuporta sa kanilang kandidatura o political accommodation.
The post Sahod ng Pasay City employees 3 buwan nang antala appeared first on Remate.