“One Million every Friday and One Mercedes Benz every Saturday.”
Ito ang ipinagmamalaking promo ng bagong Solaire Resort and Casino, sa Pasay City.
Subalit kapag nanakawan ang isang parokyano sa loob ng kanilang casino ay wala itong mahihitang tulong mula sa management.
Ito ang reklamong ipinarating sa pahayagang ito ng isang Koreano na nagngangalang Mr. Lee, na naging biktima sa mismong Casino Bacarrat Table na matatagpuan sa ground floor ng Solaire.
Ayon kay Mr. Lee, nangyari ang insidente noong Mayo 19, 2013 nang tumaya ito sa bacarrat table ng halagang P14,000 kung saan nanalo naman ito ng P28,000.
Gayunman, laking gulat na lang nito nang biglang kunin ng isang lalaki na hindi nito kilala ang kanyang napanalunan at itinakbo.
Sa halip na tulungan ng mga tauhan ng Solaire ang nasabing dayuhan para habulin ang magnanakaw, pinabayaan na lang ito na magreklamo sa security office na kung saan sinagot ito ng duty officer na isasauli na lang ang pera sakaling mahuli ang salarin.
Pauwi na sana sa Korea ang biktima kinabukasan ngunit ipinasya nitong mag-extend ng isa pang araw sa bansa para lang tapusin ang nasabing usapin.
“It is not about the money, it’s about principle,” pahayag ng dayuhan.
Sa ngayon, bumalik sa bansa ang Koreano para tapusin ang nasabing usapin.
Sinabi ng Koreano na nakalulula ang promo ng Solaire subalit wala itong ginawang aksyon sa kanyang reklamo sa tagal ng panahon.
Kaugnay nito, nanawagan ang Koreano sa Philippine Amusement and Gaming Corporation na panghimasukan ang kinasangkutan niyang usapin at imbestigahan ang nakawan sa Solaire.
Nakasisira umano ito sa magandang imahe ng entertainment business sa bansa.
The post Nakawan sa Solaire lantaran appeared first on Remate.