IKINANTA ng nadehadong binatilyo ang pito niyang kasamahan na pawang mga menor de edad hinggil sa kanilang panloloob sa isang boutique nang hindi nabahaginan ng parehas na hatian sa Taguig City.
Makaraang pumiyok ang binatilyo ay agad nagsagawa ng pagdakip ang grupo ni Barangay Security Force chief Ronilo Laraya sa mga kabataan na nasa pagitan ng 13 hanggang 15-taong gulang na sangkot sa pagtangay ng mga mamahaling panindang damit na aabot sa mahigit P10,000 sa nilooban nilang tindahang pag-aari ni Alpine Gonzales, 33, sa 3885 Nino Avenue, Plaza 11 pasado alas-11 ng gabi.
Narekober sa mga nahuling kabataan ang ilang panindang tinangay habang karamihan ay naibenta na sa hindi pa natukoy na indibidwal.
Napag-alaman kay Barangay Chairman Pat Henry Dueñas ng Barangay Central Signal Village, natuklasan ni Gonzales ang panloloob dakong alas-11 ng umaga kaya gumawa kaagad sila ng kaukulang hakbang upang matukoy ang mga suspek hanggang umamin ang isa sa kanila matapos madehado sa hatian.
Agad namang pinakawalan ang mga nadakip na kabataan nang mangako ang kanilang mga magulang kay Gonzales na babayaran na lamang ang mga tinangay na paninda.
Sinabi naman ni Laraya na madalas masangkot sa nakawan sa kanilang barangay ang mga kabataan subalit madaling nakakalaya bunga na rin ng pagiging menor-de-edad.
The post Inonse sa hatian sa nakaw, pumiyok appeared first on Remate.