NABIKTIMA ng “hit and run” ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nang mabundol ng rumaragasang taxi habang abala sa pagsasaayos ng trapiko sa EDSA kaninang umaga sa Quezon City.
Ayon kay MMDA Assistant General Manager for Operation Atty. Emerson Carlos, kaagad na naisugod sa East Avenue Medical Center ang kanilang traffic enforcer na si Rodrigo Pinangay, nakatalaga sa EDSA Traffic Discipline Zone at kasalukuyang inoobserbahan pa sa mga pinsala sa katawan bagama’t nasa maayos nang kalagayan.
Naganap ang insidente alas-5:30 ng madaling-araw sa kanto ng EDSA at Kamuning habang abala sa pagsasaayos ng trapiko sa gitna ng malakas na buhos ng ulan si Pinangay.
Kaagad namang humarurot ang taxi matapos mabundol ang biktima na iniwanang nakahandusay sa lansangan.
Ayon sa traffic investigators ng MMDA, kanilang susuriin ang footages ng nakalagay na close circuit television (CCTV) camera sa naturang lugar upang alamin kung nahagip ang nangyaring insidente at makilala ang taxi na nakabundol sa biktima.
The post Traffic enforcer nabiktima ng hit-n-run appeared first on Remate.