MAAARI umanong magkaalaman na ngayong araw (Setyembre 23) kung matutuloy ang halalang pang-barangay sa ilang bahagi ng Zamboanga City sa Oktubre 28.
Ito, ayon kay COMELEC Commissioner Grace Padaca, ay matapos ang idaraos na command conference ng Commission on Elections kasama ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ngayong araw (Setyembre 23).
Sinabi ni Padaca na pag-uusapan nila sa pulong ang sitwasyon sa Zamboanga City upang matukoy kung maaari at ligtas nang magdaos ng halalan sa naturang lugar.
“Depende kasi talaga kung ano pa ang kailangan naming information from the AFP and PNP. We will be using that data kasi to come up with a decision,” anang poll official.
Pero kung kinakailangan pa aniya ng karagdagang panahon ay handa naman ang poll body na talakayin ito sa commission en banc hanggang sa bago ang October 28 polls.
Matatandaang una ng sinabi ng COMELEC na ikinukonsidera nila ang pagpapaliban ng halalang pang-barangay sa ilang bahagi ng Zamboanga City kasunod nang nagpapatuloy na kaguluhan sa bakbakan ng Moro National Liberation Front (MNLF) at pwersa ng gobyerno.
Ayon sa COMELEC, ilang paaralan doon ang nasunog habang ang mga apektadong residente ay nasa mga evacuation center pa.
Bukod naman sa krisis sa Zamboanga, inaasahang tatalakayin rin sa command conference ang kabuuang security situation sa bansa para sa nalalapit na halalan.
“Sa command conference, we ask about private armed groups, intense political rivalries and their whereabouts,” pahayag pa ni Padaca.
Kasama rin sa mga dadalo sa kumperensiya ang lahat ng Regional Election Directors (REDs) ng COMELEC.
The post Paglulunsad ng Zambo bgy polls, malalaman bukas, Sept. 23 appeared first on Remate.