BILANG na ang masasayang araw ng mga mambabatas na kaalyado ng administrasyon na mapapasama sa second batch na sasampahan ng plunder ng Department of Justice (DoJ) sa Ombudsman kaugnay pa rin ng kontrobersiyal na pork barrel scam.
Tiniyak ni Presidential spokesman Edwin Lacierda na hindi papasok sa isang compromise deals ang Malakanyang at tuluyang ilalaglag ng pamahalaan at posible rin ng Liberal Party (LP) ang mga mambabatas na ginamit sa maling paraan ang kanilang pork barrel.
“I can guarantee you that there’s no compromise because, once the charges are filed, it’s no longer with us,” ani Sec. Lacierda.
Nauna rito, isinulat ng veteran journalist na si Ellen Tordesillas sa kanyang kolum ang ukol sa isang mambabatas na nagpadala ng feelers sa Malakanyang at nagsabi na nakahanda siyang magbitiw sa puwesto at ibalik ang kanyang nakulimbat na pera mula sa umano’y pork barrel scam kapalit ng hindi siya sasampahan ng kaso.
Ang kolum ni Tordesillas ay inilathala matapos isampa ang kasong plunder laban sa 38 indibidwal sa pangunguna ng pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles, tatlong senador at dalawang dating miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na sinasabing kumita ng tig-P50 million kada isa mula sa scam.
Samantala, tinawagan naman ng pansin ng Malakanyang ang publiko na ipagpatuloy lamang ang pagbabantay sa usaping ito.
The post Malakanyang hindi papasok sa compromise deals appeared first on Remate.