NAAALARMA ang mga tauhan at parokyano ng mga casino na nasa ilalim ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa mga nakawang nangyayari rito.
Sa kabila nang pagiging mahigpit umano ng mga security ng casino ay lantarang nalulusutan pa rin sila ng magnanakaw.
Nabatid na naganap ang unang nakawan alas-2:10 ng madaling-araw noong Setyembre 14, 2013 sa Pavillion Casino poker department kung saan naging biktima ang house player nito na si Lyn Santiago makaraang masalisihan at manakaw ang cellular phone nitong I-Phone 5.
Nang mapansin ni Santiago na nawawala ang kanyang cellphone, agad na ipinagbigay-alam ito sa mga namamahala ng CCTV ng PAGCOR ngunit sa hindi malamang dahilan ay umabot pa nang alas- 4:30 ng madaling-araw bago nakapagbigay ng resulta ang CCTV operators.
Galit naman ang naramdaman ng biktima makaraang pahirapan pa ito ng security department at sabihing kailangang gumawa pa ng letter ang complainant para makakuha ng kopya ng litrato ng magnanakaw.
“Sa halip na samahan ako sa presinto para magawan ng paraan na mabawi ang cellphone ko, ako pa ang pinahirapan nila,” ayon pa kay Santiago.
Makaraan ang naturang nakawan sa Pavillion, nasundan agad ito ng isa pang nakawan na nangyari naman sa Hyatt Hotel Casino kung saan sa poker area na naman nambiktima ang nag-iisang magnanakaw na nakilala sa alyas nitong Bruce.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Remate Reportorial Team malaki ang posibilidad na may kakutsaba sa security department ang naturang magnanakaw kung kaya’t walang kahirap-hirap nitong nagagawa ang pagnanakaw sa mga casino.
Nabatid din na sa poker area lagi nagaganap ang nakawan dahil hindi pag-aari ng PAGCOR ang poker department ng bawat casino kundi ito’y nasa ilalaim lang ng prangkisa at anomang mangyaring nakawan ay walang pananagutan ang PAGCOR kahit na ito’y nasa loob ng kanilang bakuran.
The post Nakawan sa PAGCOR laganap appeared first on Remate.