NABAWI ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang mosque sa Zamboanga City, na nagsilbing kampo ng armadong miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF).
Ayon kay Task Force Zamboanga (TFZ) commander Col. Andrelino Colina, nagkaroon umano nang matinding palitan ng putok sa pagitan ng dalawang panig bago na-overrun ng government forces ang nasabing mosque sa Brgy. Sta. Barbara.
Inihayag din ng opisyal na marami umanong casualties sa panig ng mga rebelde batay sa “sightings” ng kanilang sniper.
Binanggit pa ni Col. Colina na ang mosque ay nagsilbing “vantage point” ng mga kalaban para makita ang papalapit na puwersa ng gobyerno.
Nagawa rin makalapit ng kanilang tropa sa area habang naka-tago sa likod ng isang armored personnel carrier (APC).
Sa ngayon umano ay patuloy pang inaalam ng government troops ang lokasyon nang tinatayang mahigit 30 sibilyan na ginagamit bilang “human shields” ng mga rebelde.
Samantala, tumutulong na rin sa ngayon ang Department of Justice sa pagtukoy ng mga posibleng mananagot kaugnay sa nangyaring standoff sa Zamboanga City.
Ayon kay Justice Sec. Leila de Lima, nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine National Police kaugnay sa ginagawang imbestigasyon.
Dagdag pa ng kalihim, bumuo na rin aniya siya ng panel of prosecutors na siyang magsasagawa ng pag-aaral sa posibleng kasong isasampa laban sa mga nasa likod ng standoff.
Aminado naman si De Lima na wala pa silang deadline kung kailan maisasampa ang kaso.
The post Mosque na ginawang kampo ng MNLF, nabawi ng militar appeared first on Remate.