TINIYAK ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na hindi makaaapekto sa operasyon ng integrated provincial bus terminal ang isinusulong na isang milyong lagda bilang protesta sa sistemang ipinatutupad ng kanilang ahensiya.
Ayon kay Tolentino, tuloy ang operasyon ng terminal at hindi sila magpapaapekto sa signature campaign na layuning ipatigil ang napasimulang pagbabago.
Dagdag pa ni Tolentino, bagama’t kinikilala nila ang karapatan ng grupong nanguna sa paglulunsad ng isang milyong lagda, hindi naman ito dahilan upang itigil ang proyekto lalo na’t maganda naman ang kanilang layunin na nakalaan para sa nakararami at magbibigay solusyon sa problema sa trapiko sa Metro Manila.
Aniya, hindi sila sumusuko sa pakikipag-usap sa bus operators at patuloy nilang pinakikinggan ang mga hinaing at kahilingan upang mabigyan ng kaukulang aksyon kung may rasonableng dahilan at makakabuti sa karamihan.
Binigyang diin pa ni Tolentino na mananatiling bukas ang kanilang tanggapan sa anumang mga panukala at mungkahi at tuloy-tuloy pa rin ang kanilang isinasagawang pagsasaayos para sa ikabubuti ng pagpapatakbo ng terminal.
The post MMDA dedma sa 1M lagda vs integrated provincial bus terminal appeared first on Remate.