PATAY ang isang 32-anyos na lalaki habang sugatan ang kasamahan nito sa bahay nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin kaninang madaling-araw sa Taguig City.
Dead on the spot si Samuel Nacion, ng Kakawati St., Western Bicutan, sanhi ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang isinugod naman sa Taguig-Pateros District Hospital ang kanyang boardmate na si Edgar Morales.
Sa pahayag ni Lynlyn Nacion kina SPO1 Dennis Matriano at SPO1 Darwin Allas, ng Taguig police criminal investigation unit, nasa loob ng banyo at umiihi ang kanyang kapatid alas-2 ng madaling-araw nang makarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril.
Napalabas sa banyo ang kanyang kapatid kaya’t siya ang napagbalingan ng mga suspek at sunod-sunod na pinaputukan habang nakatakbo naman sa itaas at nakapagtago sa rooftop si Morales na unang nahagip ng bala sa katawan.
Ayon sa mga testigo, kalalabas lamang sa piitan ni Morales at kamakailan lamang ay sinalakay ng mga pulis ang kanilang bahay sa hinalang sangkot ito sa iligal na droga.
Sinabi naman ni Lyn-lyn sa pulisya na nadamay lamang ang kanyang kapatid at si Morales ang talagang pakay ng mga salarin na paslangin kaya’t malaki ang hinala ng mga pulis na may kaugnayan sa onsehan sa droga ang pamamaslang.
The post Kelot todas sa pangraratrat sa Taguig appeared first on Remate.