ANUMANG araw simula ngayon ay papangalanan na ng National Food Authority (NFA) ang rice hoarders na dahilan ng mataas na presyo ng bigas ngayon sa bansa.
Sa kasalukuyan ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, patuloy na nangangalap ng matibay na ebidensiya ang NFA laban sa mga tao at grupong responsable sa rice hoarding.
“Kapag may sapat na silang (NFA) ebidensiya na puwede na ho nilang sabihin kung sino ‘yung—pangalanan ‘yung mga tao pong ito o kaya mga grupong ito dahil ayaw daw po nila ngayon na magbigay na muna ng pangalan dahil mawa-warning-an daw ho itong mga taong ito. So, parang ang mas gusto ho nila is to keep it under wraps and then pagdating na lang ho doon sa pag-file po nung kanilang mga kaso, ang gusto po nilang gawin,” ayon sa opisyal.
Pinapalakas daw muna ng National Food Authority (NFA) ang mga hawak na ebidensya bago pangalanan ang mga rice hoarder.
Magugunitang naninindigan ang NFA at Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng bigas sa bansa at ang pagtataas sa presyo ay resulta ng artificial shortage.
Sa kabilang dako, inamin ng Malakanyang na conscious ang NFA sa pagpapalabas ng kanilang NFA rice na opsyon para sa mga bigas na sobrang mataas ang presyo ngayon.
Sinabi naman ni Usec. Valte na layunin lamang ng NFA na mabigyan ng mas murang bigas ang publiko habang hindi pa nagbabalik sa normal na presyo ang halaga ng bigas sa bansa.
The post Rice hoarders, papangalanan na ng NFA appeared first on Remate.