TODO paliwanag ang Malakanyang sa publiko kaugnay sa kakarampot na idinagdag ng wage board na umento sa sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte na binabalanse ng Wage Board ang kagustuhan ng mga manggagawa na makapag-uwi ng mas malaking sahod at ang kakayahan naman ng mga employer na bayaran ang kanilang mga manggagawa.
Hindi daw maaaring manggagawa lamang ang alalahanin dahil malaking problema rin sa pangkalahatang ekonomiya kung nagsara ang mga employer.
Ang wage hike sa NCR ay pumapalo na ngayon sa P466 mula sa dating P451.00 kung saan ay nakatakdang ikasa sa taong 2014.
Sa ulat, nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang labor groups kung saan sinabi ni Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) information officer Alan Tanjusay, pampalubag loob ang umento sa sahod dahil P85 kada araw ang kanilang hirit pero P10 lamang ang inaprubahan Regional Tripartite Wage and Productivity Board ng NCR.
Pero tiniyak ni Usec. Valte na dumaan sa konsultasyon ang nasabing umento sa sahod lalo pa’t may petisyon ang mga manggagawa na dagdagan ang kanilang kanikita sa bawat araw.
The post Palasyo nagpaliwanag sa kakarampot na umento sa sahod appeared first on Remate.