SUGATAN ang may 21-pasahero ng isang pampasaherong bus nang sumalpok sa harang ng toll plaza sa northbound lane ng Skyway makaraang mawalan ng preno kaninang umaga sa Alabang, Muntinlupa City.
Agad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan dahil sa mga tinamong sugat at galos sa katawan ang mga pasahero habang hawak ng Philippine National Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang driver ng Green Star Bus na si Rommel Reyes na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property at multiple physical injury.
Napag-alaman na galing ng Laguna ang bus patungo sanang Cubao nang maganap ang insidente.
Ang naturang aksidente ay nagdulot ng mabigat na trapiko sa naturang lugar ng pinangyarihan kung saan ay bumalik sa normal na daloy ng mga sasakyan nang mahatak ang naaksidenteng bus.
Samantala, alas-7:00 ng umaga kanina ay isang Royal Bus naman ang bumangga sa sinusundang Golden Bee Bus na ikinasugat ng 11 pasahero sa southbound lane ng EDSA-Estrella sa Makati City.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Makati Rescue Team upang dalhin ang mga sugatang pasahero sa Ospital ng Makati.
Kapwa nasa kustodiya na ng Makati City Traffic Department sina Paulo Eduardo Sitchon, driver ng Royal Bus at Sonny Borja ng Golden Bee Bus at inaalam ng pulisya kung sino ang dapat na managot sa insidente at patawan ng kaukulang kaso.
Sa paliwanag ni Sitchon sa pulisya, biglang huminto ang sinusundang Golden Bee bus na minnamaneho ni Borja kaya ito nabangga.
Katwiran naman ni Borja, nagbababa siya ng pasahero nang salpukin ang likurang bahagi ng minamanehong sasakyan ng Royal bus na mabilis umano ang takbo.
The post Bus sumalpok sa toll plaza, 21 sugatan appeared first on Remate.