DISMAYADO na naman ang publiko partikular na ang mga negosyong kumokunsumo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) para sa kanilang panindang pagkain makaraang magpatupad ng dagdag presyo ang mga kompanya kaninang umaga.
Nauna nang nag-anunsyo ang Solane kanina na P4.00 kada kilo o 44 kada tangke ang itinaas na presyo ng kanilang LPG.
Sumunod naman nagpatupad ng pagtaas ng kanilang produktong LPG ang Total Philippines na nasa P3.00 bawat kilo o P33 kada 11 kilogram ng tangke epektibo alas-6:00 ng umaga.
Kanina namang alas-12:01 ng hatinggabi ay nagdagdag ang Petron P2.55 sa kada kilo ng Gasul at Fiesta Gas habang P1.59 kada litro naman ang itinaas nito sa auto LPG.
Maging ang LPG Marketers Association (LPGMA) ay nagtaas din ng P3.00 sa bawat kilo o P33.00 kada 11 kilo ng tangke ng LPG.
Ayon sa mga kompanya, nagpatupad sila ng dagdag presyo dahil tumaas din ang presyuhan ng langis sa world market dahil sa paghina ng halaga ng piso at ang nagaganap na tensyon sa Syria.
Bukod sa LPG, may nakaamba din na pagtaas sa mga presyo ng mga produktong petrolyo anumang oras at araw ngayong linggo.
Posibleng nasa P1.10 hanggang P1.40 sentimos ang dagdag presyo ng kada litro ng gasolina, habang P0.90 hanggang P1.10 sentimos naman ang idadagdag sa kada litro sa diesel.
The post Presyo ng LPG tumaas na naman appeared first on Remate.