NAG-INHIBIT ang isang mahistrado ng Court of Appeals (CA) sa pagdinig sa petisyon ng kampo ni Janet Lim-Napoles na kumukwestiyon sa warrant of arrest laban sa kanya.
Ayon kay Associate Justice Danton Bueser, minabuti niyang huwag makilahok sa pagdinig upang maalis ang anumang pagdududa at spekulasyon sa isip ng publiko na maaring makaapekto sa dignidad ng korte at sa kanyang kredibilidad bilang mahistrado.
Kasalukuyang bahagi ng 4th Division ng CA si Bueser na dumidinig ng mosyon ni Napoles na kumukuwestiyon sa arrest order sa kanya dahil sa kasong serious illegal detention dahil sa pagdetine sa whistleblower na si Benhur Luy.
Naging substitute member din si Bueser sa 2nd Division na siyang duminig sa petisyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) para i-freeze ang assets ni Napoles.
Kapwa hindi pabor kay Napoles ang naging desisyon ng dalawang dibisyon. Bumoto kontra kay Napoles si Bueser.
Si Bueser na dating kinatawan ng Laguna ay kabilang sa mga pinangalanan ng Commission on Audit (COA) sa mga mambabatas na nagpadaloy ng priority development assistance funds (PDAF) sa mga pekeng non-governmental organizations (NGOs).
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima, ang pagkakasama ng pangalan ni Bueser sa COA report ay isang “[an] important point.”
Ayon sa COA, naglaan si Bueser ng P9.6 milyon sa Philippine Environment and Economic Development Association (PEEDA) at P9.8 milyon sa Aaron Foundation Philippine, dalawa sa 82 kwestyunableng NGOs sa report ng COA.
Iginiit naman ni Bueser na wala siyang kinalaman kay Napoles sabay sabing palsipikado ang pirma niya sa mga dokumento ng COA.
“I will ask the National Bureau of Investigation to investigate the authenticity of the documents and the signatures appearing thereon because to the best of my knowledge I have not made any endorsements to these organizations, much less transacted business with these entities,” ani Bueser.
The post Justice Bueser nag-inhibit vs Napoles appeared first on Remate.