NAGPASYA ang Commission on Elections (COMELEC) na itigil na ang pagsasagawa ng public bidding para sa ballot papers na gagamitin naman para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) polls sa Oktubre 28.
Ito’y matapos matuklasang may mga sumobrang ream ng ballot papers sa tanggapan ng National Printing Office (NPO) na para sana sa May 13 midterm elections.
Ayon kay COMELEC Chairman Sixto Brillantes, Jr., alinsunod na rin sa En Banc Resolution No. 9757, napagpasyahan nilang gamitin na lamang ang mga sobrang papel na ito para sa pag-imprenta ng official ballots para sa darating na halalan.
Naglaan sana ang COMELEC ng budget na P148.87 milyon para sa ballot papers, at inaasahang matitipid na ang naturang halaga.
Hindi naman matiyak ni Brillantes kung gaano karami ang nasabing papel pero kumpiyansa siyang sapat na ang mga ito para maimprenta lahat ng balotang kailangan para sa Barangay at SK polls.
The post Bidding sa balota sa Brgy, SK elections, itinigil appeared first on Remate.