PATAY ang isang obrero habang sugatan naman ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng dalawang suspek sa Batasan Hills, Quezon City kaninang umaga, Agosto 30, 2013.
Kinilala ang namatay na si Joven Garais, 30, construction worker ng Ison Sites-D Gloria Ext. Brgy. Batasan Hills, QC.
Sugatan naman ang negosyanteng si Geraldine Cabrera, 40, store owner ng 117 Session Road, Area-B, Sitio Talanay, Brgy. Batasan Hills, QC na isinugod sa pinakamalapit na ospital.
Ayon kay PO2 Hebry Tingle ng Quezon City Police District Station 6 Batasan, naganap ang insidente sa kahabaan ng Session Road, Area B, Brgy. Batasan Hills, QC alas-11:30 ng umaga kanina.
Sinabi ni PO2 Tingle na sakay ng itim na motorsiklo ang biktimang si Garais nang pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang suspek sakay ng green na motorsiklo.
Tinamaan naman ng ligaw na bala ang biktimang si Cabrera habang nakatayo sa harap ng kanyang binabantayang tindahan sa lugar.
Matapos ang pamamaril tumakas ang mga suspek sakay ng isang hindi naplakahang motorsiklo.
The post Obrero patay, 1 pa sugatan sa ambush sa QC appeared first on Remate.